03/06/2020
"Sa ikaapat at huli kong araw sa Robinson’s Supermarket (RS) Marquinton, nakadama ako ng lungkot. Sa katunayan, hindi ko inaasahan ito. Ang disposisyon ko noon bago ako magtrabaho sa RS ay ang lunurin ang aking sarili sa trabaho upang hindi ko mamalayan ang pagtakbo ng oras at matapos kaagad. Ngunit matapos kong maranasan ang pagtatrabaho sa RS at makilala ang mga trabahador doon, malaki ang naging pagbabago ng aking disposisyon. Napakabuti ng naging pakikitungo nila sa akin. Kahit kailan ay hindi nila ako tinuring na kaiba sa kanila. Bagkus, tinuring nila ako bilang kasamahan nila.
Habang lumalapit ang oras ng pagtatapos ng aking trabaho, lalo akong hindi mapalagay. Bago magsimula ang JEEP, ang nais ko tumakbo ng mabilis ang oras upang matapos na ito kaagad. Ngunit noong huli kong araw, tila gusto kong bumagal ang oras dahil marami pa akong gustong gawin, maranasan, at makilala. Kaya naman habang may oras ay isa-isa kong binalikan ang lahat ng mga naging katrabaho at kaibigan ko sa RS.
Babaunin ko palagi ang mga mahahalagang bagay na natutunan ko sa kanila tulad na lamang ng pagpapakumbaba, hindi pagmamataas, pagiging masiyahin, at higit sa lahat, ang pagtrato nang mabuti sa kapwa. Ang mga gabay at aral na ito ang laging magpapaalala sa akin ng mga naging kaibigan ko sa RS. Matapos ang biyahe ko sa JEEP, masasabi kong tumatak sa akin ito. Mga totoong tao ang nakilala at nakatrabaho ko. Tunay na kahanga-hanga at kagalang-galang sila. Higit sa lahat, ipinagmamalaki ko hindi lamang ang naging karanasan ko sa JEEP kundi pati ang mga taong ito na humubog at nagbukas ng puso at isipan ko sa pakikitungo sa tao sa pakikipagkapwa."
- Mark Tijidor, Robinsons Supermarket Marquinton, 2nd Sem, SY1819