21/09/2026
Mahigit limang dekada na ang makalipas mula nang isadlak ng diktadurang Marcos Sr. ang bansa sa Batas militar, ngunit ang anino ng pasismo’t diktadura ay patuloy pa ring bumabalot sa bawat sulok ng lipunan.
Kamakailan lang ay ibinalita ang pagkansela ng screening ng Bloom Where You Are Planted sa isang paaralan sa Isabela, ilang araw bago ang ika-54th na anibersaryo ng pagkakatatag ng batas militar. Ang idinahilan ng administrasyon ng paaralan na umano'y konektado ito sa 'anti-government activities' ay sintomas ng isang malubhang katotohanan: maging ang mga lokal at maliliit na institusyon tulad ng mga paaralan ay pinanahanan na rin ng paranoya. Maging ang mga espasyo na dapat ay kanlungan ng malayang kaisipan ay binabalot ng takot sa administrasyon.
Ang garapalang censorship na ito ay malinaw na simula ng pag-uulit lamang din sa madilim na kasaysayan. Noong panahon ng batas militar, ginamit ng pasistang rehimen ang Board of Censors for Motion Pictures (BCMP) bilang brutal na instrumento ng politikal na panunupil upang ipagbawal ang anumang sining na nangahas maglantad sa totoong estado ng kahirapan, korapsyon, at paglabag sa karapatang pantao. Ngayon, hindi na lang BCMP ang nanunupil. Ang kultura ng takot ay mismong nakasaksak na sa mga lokal na institusyon.
Ngayon, muling ibinuhay ang asawahang US-Marcos sa pormal na pagpapailalim ng Pilipinas sa Pax Silica, isang huwad na koalisyong pinamumunuan ng imperyalistang Estados Unidos. Sa ilalim nito, garapalang ipinamimigay ng papet na pamahalaan ang mga likas na yaman, lakas-paggawa, at estratehikong industriya sa kamay ng mga dayuhang amo, habang ikinukubli sa belo ng mga pangako ng kaunlaran at trabaho. Kasabay nito ay ang walang habas na pamamaslang sa Toboso 19, na kinabibilangan ng ilang artista ng bayan, researchers, at mga pawang estudyante lamang. Ni-hindi pa nga nakauuwi ang isa sa mga katawan ng mga biktima.
Pinatutunayan lamang nito na ang rehimeng Marcos Sr. ay patuloy na namamayani sa ilalim ng pamumuno ni Marcos Jr. Walang ipinagkaiba ang pasista’t diktador na Marcos Sr. sa kaniyang mandarambong at papet na anak.
Hindi nakalilimot ang katotohanan. Hindi nagsisinungaling ang kasaysayan. Hindi kailan man matatahimik ang mga pilit nilang pinatatahimik.
70,000 POLITICAL PRISONERS
34,000 PEOPLE TORTURED AND ABUSED
3,240 KILLED BY MILITAR AND CONSTABULARY
MORE THAN 352 ENFORCED DISAPPEARANCES
Nakikiisa ang FEU Film Society at ang mga miyembro nitong manggagawa sa pelikula, sa laban ng mga biktima ng Batas Militar sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr. at pati na rin sa mala-papet na administrasyong Marcos Jr.
Hinding-hindi mapapahina ng administrasyon ang pag-aklas ng mga artista ng bayan. Patuloy kaming titindig at magsisilbing bihag ng sining sa kabila ng garapalang panunupil sa malayang pamamahayag ng estado. Buong-lakas na itinataguyod ng aming organisasyon ang pambansang-demokratikong tungkulin na maging boses ng mga pinagkakaitan ng hustisya at pilit na pinatatahimik. Magsisilbing sandata ang sining upang lansagin ang huwad na naratibo ng rehimen at ilantad ang totoong kasaysayan na ikinukubli sa ilalim ng “makabagong” imperyalistang administrasyon.
🖊: Ashby Lavigne
💻: Darren Dino