07/10/2022
LTO, HUMIHINGI NG P6 BILLION BUDGET PARA MATAPOS ANG BACKLOG NA 11.5 MILYONG PIRASO NG PLAKA
Ayon sa LTO, kapag naibigay ang kailangang pondo ay malulutas ang backlog na 11.5 milyong piraso ng motorcycle plates.
Mula taong 2020, tumaas sa 1.3 milyon mula sa 1.2 milyon ang dami ng mga motor.
Ayon sa LTO, umaabot lamang sa P4.7 bilyon ang naaprubahan ng Department of Budget and Management para sa paggawa ng plaka ng mga sasakyan.
“If Congress will give us the budget, they gave us now the P4.6 billion which will cover 80 to 90 percent, but if they could give us the entire budget of P6 billion kayang kaya po namin tugunan until the end of the year ay zero backlog po tayo,” pahayag ni LTO chief Teofilo Guadiz.
Plano ng LTO na bumili ng dagdag na automated plate-making robot na may halagang P84 million at iba pang materials para sa paggawa ng plaka ng sasakyan.
Ani Guadiz, ang P120 payment para sa plaka ng motorsiklo ay diretsong napupunta sa National Treasury makaraang mairehistro ang sasakyan at hindi napupunta ang bayad sa LTO.
Ayon sa LTO, prioridad na magawan ng plaka ang mga sasakyan na narehistro noong 2018 hanggang 2021.
Ang mga motorsiklo na nairehistro ng 2017 at pababang taon ay kailangang maghintay ng kanilang plaka o replacement plates dahil sa sabay-sabay na paggawa ng vehicle plates.
Ang plate making facility ng LTO ay kayang gumawa ng 33,000 piraso ng plaka ng sasakyan kada araw gamit ang siyam na manual embossing machines at dalawang robots.