02/05/2025
LOLANG PABABA NG ELF TRUCK, PATAY NANG BANGGAIN NG ISANG PICK-UP SA GATTARAN, CAGAYAN
Patay ang isang lola matapos maipit nang banggain ng isang pick-up habang pababa ito mula sa sinasakyang elf truck sa bahagi ng Brgy. Nasipping, Gattaran, Cagayan.
Sa panayam ng CPIO-TeleRadyo kay PMAJ. Dennis Matias, hepe ng Gattaran Police Station, ang elf truck ay minamaneho ni Alyas Gab, nasa hustong gulang at residente sa Lalawigan ng Isabela kung saan pumarada lamang ito sa gilid ng daan sa tapat ng Cagayan Pavilion upang bumili sana ng pasalubong at gumamit ng palikuran ang mga sakay nito.
Aniya, habang pababa sa elf truck ang biktimang si Alyas Sol, 68-anyos at residente ng Benito Soliven, Isabela ay bigla na lamang tinumbok ng paparating na pick-up na minamaneho ng suspek na si alyas Rod, 49-anyos na residente sa Lalawigan ng Isabela ang nakaparadang sasakyan na naging dahilan upang mabangga at maipit ang lola.
Batay aniya sa naging salaysay ng suspek, bago ang pagkabangga sa biktima ay una aniyang iniwasan ng suspek ang isang lola na papatawid sa kalsada, nguni't kasunod ng pag-iwas ay hindi na nakontrol ng driver ang kanyang preno dahil sa bahagyang mabilis na patakbo na naging dahilan upang diretsong mabangga nito ang likurang bahagi ng nakaparadang Elf kung saan nakasakay ang pababang biktima.
Dahil sa lakas ng impak ay nabali ang paa ng lola at nagtamo pa ito ng sugat sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan.
Nagawa pang isugod ng rescue team sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima nguni't idineklarang dead on arrival ng umasikasong duktor.
Samantala, sinabi naman ni PMAJ Matias na sa ngayon ay hinihintay na lamang ng kapulisan ang magiging desisyon ng mga kaanak ng biktima para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. # # #